“Darating din ang Kapayapaan sa Mindanao”—Cesar Montano

Zamboanga City—Umaasa pa rin ang batikang aktor at director at kandidato sa pagka-senador na si Cesar Montano na makakamtam din ng Mindanao ang inaasam na kapayapaan. Suot ang turban ng mga Muslim na ginamit niya sa premyadong pelikulang “Bagong Buwan” na tumalakay sa daan-taong hidwaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa lupang pangako—Mindanao, sinabi ni Montano na “ang suliranin sa Mindanao ay di lamang tungkol sa alitan ng mga Muslim at Kristiyano. Bagamat may pagkakaiba sa pananampalataya, ang ugat ng hidwaan ay nagmumula sa di pagkapantay-pantay.”

 

“Nakakalungkot isipin,” ani Montano, “na ang pag-unlad ay di dumarating sa Mindanao kahit pa marami nang ‘development aid’ ang binuhos doon ng pamahalaan at mga pribadong ahensiya. Ang masaklap pa, sabi ni Montano, ay naiipit sa gitna ng labanan ang mga inosenteng sibilyan. “Ang pinakakawawa at pinakanasasaktan sa giyera sa Mindanao ay ang mga bata at mga ina na kailangang lumikas at tumira sa mga refugee camps na di naman sapat ang mga pasilidad,” pagdidiin ni Montano nang kapanayamin siya ng local na istasyon ng radyo matapos ang tanghalian ng Team Unity sa tahanan ng mga Lobregat, ang kanilang host sa Lungsod ng Zamboanga.

 

Sinabi ni Montano na naniniwala siya na “ang kapayapaan sa Mindanao ay darating kung ang isang tunay at tuloy-tuloy na programang pangkaunlaran ay masigasig na ipatutuapd. Ang mga programang pangkaunlaran na ito ay dapat magbigay benepisyo di lamang sa mga Kristiyano kundi sa mga kapatid din nating Muslim,” paggigiit ni Montano. Aniya, ang solusyon ay nakapaloob sa isang tapat at matinong programang pang-katrarungang panlipunan na nakapaloob sa kanyang C.E.S.A.R. agenda. Pinalalim niya ito sa pagsabing ang prayoridad niya ay bigyang proteksyon ang mga bata, lalo na iyong naiipit sa gitna ng putukan. Tinututulan din niya ang paggamit sa mga bata bilang mandirigma o kahit na mensahero ng mga grupong armado. Sabi niya, ang mga bata ay dapat bigyan na edukasyon may kalidad sa lahat ng antas para umangat ang kanilang buhay. “Kailangan natin ang mas maraming paaralan, hindi mga armas pangiyera,” wika ni Montano. Iginiit din niya na kailangan ang agaran, epektibo at episiyenteng pagbibigay ng serbisyo publiko sa Mindanao tulad ng mura ngunit disenteng pabahay, serbisyong pangkalusugan kasama na ang murang gamut at bakuna. Bilang panghuli, sinabi ni Montano na dapat patupad ang batas sa repormang pang-agraryo nang sa gayo’y matamasa ng mga magbubukid ang kanilang pinagpaguran. “Ang reporma sa lupa,” ayon kay Montano, “ay dapat suportahan ng mga kaukulang imprastruktura tulad ng irigasyon, mga kalsada tungo sa pamilihan, mga bodega, at kaukulang teknolohiya sa pagsasaka.”

 

Tinitingnan ni Montano ang sarili bilang anak ng Mindanao. Ang pagkababad at integrasyon niya sa Mindanao habang ginagawa ang pelikulang “Bagong Buwan” ay nagmulat sa kanya sa mapait na realidad at kumplikadong usapin ng gulo sa Mindanao. At tulad sa pelikula, umaasa si Cesar Montano na ang pangmatagalan solusyon sa gulo sa Mindanao ay darating na. Pinangako niya na gagawin niyang prayoridad ang Mindanao sa alokasyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) kapag mahalal siya bilang senador sa Mayo 14.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s